Hindi ko inakalang dadating sa buhay ko si Frederico . . . . sa isang di-inaasahang pagkakataon at sa di inaasahang oras . . . isang hatinggabi, isang Miyerkules sa ilalim ng mga kumukurap-kurap na ilaw na lumilibot sa mga letrang nagsasabing "ADONIS".
Mag-isa siyang naka-upo sa isang silyang yari sa kahoy, na parang isang anay na lang ang hindi pa pumipirma ay mababaldado na nang tuluyan ang apat na paa nito, katabi niya ang guawardiyang parang asong nakakain ng butong pinagulong sa vetsin. Tahimik niyang hinihigop gamit ang pulang straw ang iced-tea na may maputlang kulay, marahil ay natunaw na ang yelo at sa maliliit na pahigop ay mapapatagal ng isang oras ang isang baso na ang tunay na kahalagahan ay ang pumatid uhaw.
Malayo ang tingin niya at mukhang malalim ang iniisip, na noong una ay nakapagpagulo sa isipan ko dahil malayo naman sa hitsura niya ang mag-isip. Sa totoo lang, sa unang tingin ko pa lang sa kanya ay "kama" agad ang pumasok sa isip ko. Sabi nila, lahat tayo ay nilikhang may angking kagandahan . . . . ang gandang natural . . . gandang ricky reyes . . . . gandang panghalimaw at higit sa lahat ay may gandang pangkama.
Sa unang pagdapo pa lang ng aking mga mapanuring mata sa mga tila nagliliyab na balat ni Frederico ay iba’t ibang imahe na ang nabuo sa hinuha ko . . . . . mga nagtitirikang mga mata . . . kagat-labing panggigigil . . . . mga madidiing kapit na halos bumabaon sa balat . . . likod na nakaliyad at higit sa lahat . . . . mga daliri sa paa na nagbabalukturan at nagtutunugan . . . mga imahen ng masidhing tagpo ng dalawang taong nagkakainigan.
Napahinga na lamang ako ng malalim habang pinipilit na huwag maglaho ang kapana-panabik na tagpong pinapalabas sa isang channel sa utak ko ngunit nabigo ako. Nawalan ng signal.
Napasinghal na lang ako, napabulong sa sarili, "THIS IS NOT IT . . . . THIS IS REALLY REALLY NOT IT."
No comments:
Post a Comment